KALIBO, Aklan – Umapela ng dasal sa sambayanang Pilipino ang Aklanon athlete na sasabak sa 30th Southeast Asian (SEA) Games sa larong pencak silat.
Ayon kay Hanna Mae Ibutnande na tubong Barangay Old Buswang, Kalibo, Aklan, kailangan nila ang “prayer warriors” upang magtagumpay sa gintong medalya para sa koponan ng Pilipinas.
Aniya, hindi nawawala ang pressure bilang host country ngunit tiniyak naman nito na handa na nilang labanan ang iba’t ibang bansa.
Sa ngayon ay tuloy-tuloy ang kanilang trainings at sa araw ng Sabado, Nobyembre 30, ay pupunta na sila sa Subic, Zambales na siyang venue ng kanilang laro.
Nabatid na maliban kay Ibutnande, sasabak din sa SEA Games ang Aklanon beauty na si Cherry Mae Regalado na target din na masungkit ang gintong medalya para sa Pilipinas.