KALIBO, Aklan – Nagbunyi ang mga Aklanon matapos koronahan bilang 2022 Miss Eco International ang pambato ng Pilipinas at tubong Aklan na si Kathleen Paton.
Ginanap nitong Biyernes, Marso 18, (Philippine time) ang coronation night ng nasabing beauty pageant sa bansang Egypt.
Tinanghal na first runner-up si Miss Belgium at second runner-up si Miss USA.
Si Paton ang ikalawang Pinay beauty na nakasungkit ng Miss Eco International kasunod ni Cynthia Thormalla noong 2018.
Nangunguna sa adbokasiya ni Paton ang pagpapalakas sa mental health at pangangalaga sa kalikasan.
Ang 25-anyos na si Kathleen ay ipinanganak sa isla ng Boracay mula sa Australyanong ama at Aklanon na ina na si Luz Sinag Paton na tubong Laserna, Nabas, Aklan.
Siya ang bunso sa apat na magkakapatid at nag-aral sa Laserna Elementary School at kalaunan ay lumipat sa paaralan sa Boracay.
Taong 2017 nang parangalan ng sangguniang panlalawigan ng Aklan ang Fil-Australian beauty matapos ang panalo sa Miss Teen International na nakakuha pa ng Miss Teen Charming special award na ginananap sa Bangkok, Thailand.
Kabilang sa kanyang balak ang sumali sa Binibining Pilipinas.