-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Pinaghihinayangan ngayon ng mga Pinoy ang mga naipundar nilang propyedad mula sa kanilang pawis at pagod dahil sa bigla nilang paglisan sa Khartoum, Sudan.

Ayon kay Bombo International Correspondent Bernard Comia, tubong lalawigan ng Aklan na ikinalungkot nila ang mga nangyari sa kanila sa war zone kung saan, biglang iniwanan ang kanilang bahay na puno ng mga kagamitan at bayad na umano ito sa loob ng isang taon.

Sakali aniya na humupa na ang nagaganap na labanan sa Sudan ay hindi siya magdadalawang isip na bumalik ulit dahil doon ang kaniyang naging buhay sa loob ng 18 taong paninirahan at pagtatrabaho sa nasabing bansa.

Si Comia kasama ang kaniyang mag-ina ay nakalabas na sa war zone at ligtas na nakalikas sa Cairo, Egypt.

Aniya, sariling sikap nila na nakasakay ng bus papuntang border kung saan, doon naghintay ang mga opisyal ng Overseas Workers and Welfare Administration (OWWA) at Department of Foreign Affaires (DFA) na sila ang nagdala sa kanila sa bansang Egypt.

Mahaba-haba ang kanilang nilakbay at dasal ang kanilang kinapitan hanggang sa nakarating sa ligtas na lugar.

Nasa 340 mga pinoy aniya ang nailikas ng gobyerno ng Pilipinas sa Egpyt at ang ilan sa mga ito ay nakauwi na ng Pilipinas.