Pinag-aaralan ng Office of Civil Defense (OCD) ang posibilidad ng pagbuo ng mga warning system para sa iba’t-ibang sama ng panahon tulad ng shear line at iba pang weather phenomenon.
Ito ay kasunod na rin ng rekomendasyon ni OCD Administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno na gumawa ng alert system para agarang maimpormahan ang publiko sa kung ano ang posibleng mangyayari sa ilalim ng isang weather disturbance.
Binigyang-diin ng OCD ang ilang mga hamon na dala ng shear line tulad ng mabibigat na pag-ulan na minsa ay mas makapal pa kumpara sa mga bagyong nararanasan ng bansa.
Maging ang ibang mga weather disturbance ay nagdudulot din ng malawakang pag-ulan, bagay na nangangailangan ng mas maayos, mas akma, at agarang warning system.
Isa rin sa mga ikinukunsidera rito ay ang pagtukoy sa akmang weather disturbance upang maiwasan ang anumang confusion o pagkalito sa panig ng mga mamamayan.
Nakikipagtulungan na rin ang OCD sa state weather bureau sa hangaring magkaroon ng tumpak, napapanahon, at makabuluhang warning system na kaiba pa sa kasalukuyang ginagamit para sa mga tropical cyclone o bagyo.
Sa kasalukuyan, nakaka-apekto ang shearline sa malaking bahagi ng bansa kung saan libo-libong mamamayan na ang apektado, lalo na sa Bicol Region, Mimaropa, at Eastern Visayas.