LEGAZPI CITY – Nilinaw ni Ako Bicol Party-list Rep. Alfredo Garbin Jr. ang mga lumalabas na isyu kaugnay ng pag-atras bilang nominee ni Atty. Justin Batocabe, panganay na anak ni party-list Cong. Rodel Batocabe.
Ayon kay Garbin sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, pinagbotohan at pinagdesisyunan ng grupo ang pagbabago sa isinagawang meeting, dalawang linggo na ang nakakaraan.
Bilang bata pa umano sa politika, nagpaubaya na si Atty. Justin para kay party-list founder na si chairman emeritus Elizaldy Co.
Dagdag pa ni Garbin na hanggang hindi pa naipoproklama, maaari pa ang pagbabago ng mga nominado basta’t nakaayon sa isinasaad ng batas.
Nakapaghain na rin aniya ng manipestasyon sa Commission on Elections (Comelec) en banc sa pagbabago at nitong Martes, ibinaba ang pag-apruba sa desisyon ng party-list.
Samantala, nagpasalamat naman ang mambabatas sa mga kababayang sumuporta lalo na sa mga naniniwala sa tulong na maibibigay ng mga adbokasiya at programa.
Tiyak na rinumano ang dalawang upuan sa Kongreso para sa AKB Party-list subalit ilalaban ang maximum of three seats lalo na’t nakakuha naman ng nasa 4% na boto.