NAGA CITY- Umaasa ngayon si Ako Bicol Partylist Rep. Alfredo ‘Pido’ Garbin, Jr. na kakatigan ng korte ang hirit na Temporary Restraining Order (TRO).
Ito’y may kaugnayan sa desisyon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na tuluyan nang ipagbawal ang pagdaan ng mga provincial buses sa Epifanio de los Santos Avenue (EDSA).
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Garbin, sinabi nitong nitong Miyerkules lamang nila nalaman na posibleng sa Agosto 1 na magsimula ang pag-ban sa mga provincial buses sa naturang kalsada.
Sa kabila nito, kampante si Garbin na papaboran ng korte ang kanilang depensa laban sa hakbang na ito ng MMDA.
Ayon sa kongresista, marami ang dapat munang i-konsidera kagaya na lamang ng mga terminal na may Business Permit, Mayor’s Permit at prangkisa upang pahintulutang makadaan pa rin sa EDSA.
Napag-alaman na noong Miyerkules ng idulog na sa korte ng kanilang abogado ang Urgent Motion to Resolve para sa hiling ng TRO at hinihintay na lamang sa ngayon ang resulta nito.