-- Advertisements --
image 54

Nakapagtala ang National Disaster Risk Reduction and Management Council ng mga aksidente sa kalsada at insidente ng food poisoning sa ilang bahagi ng Pilipinas sa gitna ng paggunita ng panahon ng Semana Santa.

Sa ulat ng NDRRMC, aabot sa 13 katao ang nasaktan mula sa apat na vehicular accident at food poisoning na naganap sa bahagi ng Ilocos at Northern Mindanao Region

Ayon sa kagawaran, nitong Miyerkules Santo ay nagkarambola ang isang motorsiklo at kotse sa Tagudin Ilocos Sur kung saan napulat na nagtamo ng multiple abrasions at back pain ang biktimang kinilalang si Edwin Mendoza.

Habang mayroon ding insidente sa bahagi ng Vigan kung saan nasiraan naman ng gulong ang isang kalesa na may sakay na ilang turista.

Sugatan naman ang ilang indibidwal sa aksidente sa kalsada sa may Sayre Highway sa Maramag, Bukidnon nitong Martes Santo ngunit iniulat naman ng mga otoridad na agad namang nalapatan ng paunang lunas at dinala sa Bukidnon Provincial Hospital ang mga biktima sa naturang insidente.

Iniulat din ng NDRRMC na noong Lunes Santo ay nagkarambola din ang isang motorsiklo at “kurongkurong” o isang motorsiklong mayroong sidecar kung saan lima naman ang naitalang bahagyang nasaktan.

Samantala, bukod dito ay nakapagtala din ang nasabing ahensya ng insidente ng food poising sa Lopez Jaena sa lalawigan ng Misamis Occidental.

Ito ay matapos na ireklamo ng anim na estudyante ang matinding pananakit ng kanilang sikmura na nauugnay sa food poisoning matapos kumain ang mga ito ng sunflower seeds.

Agad naman na naidala sa Rural Health Unit-Lopez Jaena ang mga ito para sa agarang medical treatment na kalauna’y pinauwi rin sa kani-kanilang tahanan.

Sa kabila ng lahat ng ito ay patuloy naman ang pagpapaalala ni NDRRMC executive director Undersecretary Ariel Nepomuceno sa publiko na palaging isaisip ang kaligtasan ng ating buong pamilya at sambahayan kasabay ng mataimtim na paggunita ngayon ng Semana Santa.