-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Ikinatuwa ng lokal na pamahalaan ng Malay ang agad na pag-aksyon ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa pamamagitan ng pag-utos nito sa National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang mga namemeke ng RT-PCR test results na ginagamit ng ilang turistang gustong makalusot sa isla ng Boracay.

Batay sa Department Order 088 na may petsang April 23, 2021, inutusan ni Guevarra ang NBI na mag-imbestiga at magsagawa ng case build-up sa mga nagpapakalat diumano ng pekeng negatibong swab test results.

Nauna dito, nagpasaklolo na ang Aklan provincial government sa DOJ sa isinagawang pulong ng Boracay Inter-Agency Task Force noong Marso 18, 2021 upang matigil na ang umano’y sindikatong gumagawa ng mga pekeng dokumento.

Nabatid na umabot na sa halos 160 ang mga nahuling gumagamit ng pekeng RT-PCR test results na karamuhan ay naharang sa Caticlan jetty port.

Ilan sa mga ito ay nakasuhan ng falsification of public documents.