Sinabi ni Senate Committee on Women Chairman Senadora Risa Hontiveros na karapat-dapat lamang ang aksyon ng Office of the Solicitor General na ipakansela ang birth certificate ni suspended Bamban Mayor Alice Guo.
Ayon kay Hontiveros, tuluyang nakorner na si Guo tungkol sa kanyang pangaabuso sa late registration ng birth certificate kaya naman kung siya ang alkalde ay mabuti pang kumalas na ito at ilantad na ang mga nasa likod ng malawakang scam enterprise sa Tarlac.
Pinayuhan pa nito ang alkalde na magsalita na matapos na maghain ang OSG ng petisyon para sa kanselasyon ng kanyang “certificate of live birth.”
Samantala, giit pa ng senadora na humarap na sa susunod na pagdinig si Guo at magpakatotoo na.
Napatunayan naman na aniya sa imbestigasyon ng Senado na simula pa lang ay iregular ang birth certificate niya.
Magugunitang tinanggihan ni Guo noong nakaraang pagdinig ang imbitasyon ng Senado dahil umano sa matinding stress at anxiety na kanyang naramdam dahil sa mga walang basehang alegasyon laban sa kanya.
Gayunpaman, kumbinsido si Senador Sherwin Gatchalian na hindi inaatake ng anxiety ang alkalde na ginawang dahilan nito upang hindi makadalo sa pagdinig ng senado.
Sa oras na talikuran aniya ni Guo ang imbestigasyon sa susunod na Linggo ay ipaco-contempt at papatawan na ito ng arrest warrant ng komite.