Gagamitin ng Land Transportation Office (LTO) ang bagong lunsad na “Aksyon on the Spot” hotline sa pagkalap ng mga impormasyon para ipatupad ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa paghuli sa mga hindi awtorisadong gumamit ng wangwang.
Sa isang pahayag, sinabi ni LTO chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II, maaaring magpadala ng reklamo ang publiko sa “Aksyon on the Spot” mobile number na 09292920865 sakaling makakita ng mga sasakyang iligal na gumagamit ng sirena at blinkers.
Ang hakbang na ito ay para paigtingin pa ang safety measures dahil sa paglaganap ng kolorum na mga sasakyan at maiwasan ang mga away sa kalsada.
Matatandaan sa administrative order ni PBBM, pinagbabawalan ang lahat ng opisyal ng pamahalaan at manggagawa sa paggamit ng mga sirena, blinkers at iba pang kaparehong devices dahil nagdudulot ito ng traffic disruptions.
Exempted naman sa naturang AO ang ang fire trucks, ambulances, at iba pang emergency vehicles, Armed Forces of the Philippines, National Bureau of Investigation, at Philippine National Police.