Ilang aktibo at retiradong opisyal ng Philippine National Police (PNP) ang handang magsalita hinggil sa kanilang nalalaman kaugnay ng madugong war on drugs ng administrasyong Duterte kung saan libu-libo ang namatay.
Ito ang sinabi ni House Committee on Dangerous Drugs chairman at Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers sa isang panayam.
Ang quad comm o quad committee ay magsasagawa ng pagdinig sa sinasabing kaugnayan ng mga iligal na operasyon ng Philippine Offshore Gambling Operators (POGOs), drug trafficking at extrajudicial killings (EJK) sa anti-drug campaign ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Barbers kanilang pakikinggan ang mga nais na tumestigo upang matukoy kung gaano kahalaga ang impormasyon na kanilang handang isiwalat sa public hearing o executive session ng quad comm.
Pero sinabi ni Barbers na hindi papayag ang Kamara na mayroong hinging kapalit ang mga titestigo sa kanilang gagawing pagsasalita.
Tumanggi naman si Barbers na pangalanan ang mga retirado at aktibong pulis na nagpahayag ng kahandaan na tumestigo sa quad comm.
Hindi rin sinabi ni Barbers kung kasama sa mga nais na magsalita si Major Gen. Romeo Caramat Jr., na batay sa mga ulat ay nagsabi na handa itong tumestigo kaugnay ng EJK at laban sa Duterte war on drugs kapalit ng pagtatalaga sa kanya bilang hepe ng PNP.
Sinabi ni Barbers na sa Lunes ay magkakaroon ng organizational meeting ang quad comm upang plantsahin ang mga regulasyon sa pagsisimula ng pagdinig nito sa Agosto 15 na gaganapin sa Porac, Pampanga, kung saan matatagpuan ang isang POGO hub na iligal na nag-operate at malapit sa Mexico, Pampanga kung saan naman nakumpiska ang P3.6 bilyong halaga ng shabu noong nakaraang taon.
Sinabi ni Barbers na sa Pampanga gaganapin ang pagdinig Quad Committee dahil mayruong mga testigo na malapit duon na pwedeng humarap at magbigay ng impormasyon.