Lalo pang dumami ang bilang ng mga aktibong kaso ng mpox sa Pilipinas matapos muling makapagtala ang Department of Health (DOH) ng dalawang panibagong kaso.
Ang dalawang kaso ay naitala sa National Capital Region (NCR) at Calabarzon Region.
Ang pasyente mula sa NCR ay isang 26 anyos na babae. Una siyang nakaramdam ng sintomas noong August 20 tulad ng rashes sa kanyang mukha at likod, at lagnat. Kinalaunan, nakaramdaman na rin siya ng pantal sa pubic area, at kasama ang pananakit ng lalamunan.
Ang pasyente naman mula sa Calabarzon ay isang 12 anyos na lalake na nagsimulang makaramdam ng sintomas noong Agosto-10. Nakitaan din siya ng pantal sa kanyang mukha, pubic area, paa, at iba pang bahagi ng katawan, kasama ang ubo at pananakit ng katawan.
Agad namang isinailalim ang mga ito sa home isolation at natunton ang mga close contact sa pamamagitan ng mga local authorities.
Ayon sa DOH, ang mga ito ay kapwa mga MPXV clade II, ang mas mahinang variant ng mpox.
Ang naturang variant din ang natukoy na naka-apekto sa tatlong naunang na-detect na kaso sa bansa.
Mula noong na-detect ang mpox sa Pilipinas noong 2022, mayroon ng 14 na kabuuang kaso kung saan ang siyam ay matagal nang gumaling.