-- Advertisements --

Naghabla na rin ang aktor na si Dominic Roque ng kasong kriminal para sa cyber libel laban kay Cristy Fermin sa Office of the City Prosecutor sa lungsod ng Pasay ngayong araw ng Biyernes, Mayo 31.

Naging basehan umano ng isinampang kaso ng aktor ang ilang malisyosong mga pahayag at patutsada ni Fermin sa kaniyang Youtube channel na Showbiz Now na.

Sa panig ni Fermin, sinabi nitong karapatan ng aktor na magsampa ng kaso. Aantayin na lamang umano niya ang subpoena.

Sinabi din nito na ang naunang isinampang kaso ng dating kasintahan ni Dom na si Bea Alonzo ay hindi pa umano nagsisimula at wala pa ding natatanggap si Fermin na subpoena.

Matatandaan, sa unang bahagi ng Mayo, naghain ng parehong kaso ang aktres laban kay Fermin, kasama na si Ogie Diaz at kanilang kapwa hosts sa kanilang online programs.

Nakasaad sa complaint affidavit ni Bea na biktima siya ng hindi totoo, malisyoso at mapanirang mga impormasyon mula sa isang indibidwal na nagpanggap na malapit sa kaniya na inilathala pa at tinalakay sa online shows nina Fermin at Diaz nang walang basehan.

Maaalala din na naging maingay ang pangalan ng noo’y mag-fiance na sina Dom at Bea matapos kumpirmahin ni Philippines’ King of Talk Tito Boy Abunda ang hiwalayan ng dalawa.

Una ng na-engage ang dalawa noong Hulyo 2023 at umano’y nakaplanong magpakasal ngayong taon bago pa man umugong ang tsismis hinggil sa hiwalayan nina Dom at Bea.