-- Advertisements --

Inireklamo ng aktor na si Sandro Muhlach ang 2 independent contractors ng GMA Network na sina Jojo Nones at Richard Cruz.

Base sa lumabas na mga artikulo at post na kumakalat sa social media, sinasabing sekswal na hinarass umano ng 2 ang batang aktor kasunod ng GMA Gala na isang glamorosong event na dinaluhan ng mga artista, news personalities at executives ng network, na ginanap sa Marriot Hotel sa Pasay city noong Hulyo 20.

Sa isang statement na inilabas ng network, sinabi nitong naglunsad na sila ng imbestigasyon para matugunan ang naturang usapin bago pa man nila matanggap ang formal complaint ng aktor.

Tiniyak naman ng network sa publiko at sa lahat ng stakeholders na kanilang isasagawa ang imbestigasyon nang patas at walang kinikilingan.

Bilang respeto din aniya sa hiling ng aktor para sa confidentiality ng isyu, po-protektahan ng investigating body ang lahat ng detalye ng kanilang pormal na imbestigasyon hanggang sa ito ay makumpleto.

Samantala, nauna ng nagbahagi ng cryptic posts ang amang aktor ni Sandro na si Niño Muhlach sa gitna ng isyu.

Sinabi nito sa kaniyang FB account na “INUMPISAHAN NYO, TATAPUSIN KO!”. Habang ang asawa naman niyang si Diane Tupaz ay hindi din napigilang maglabas ng kaniyang sentimiyento sa isyu.

Kasalukuyan ngang nasa ilalim ng talent agency ng GMA na Sparkle si Sandro Muhlach habang ang nasasangkot naman sa isyu na executives ng network na si Nones ay isang head writer at showrunner, habang si Cruz ay isang writer at creative head.