Kinumpirma ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na hindi inabisuhan ng aktres na si Angel Locsin ang lokal na pamahalaan ng Quezon City tungkol sa itatayo nitong community pantry na naging dahil umano sa pagkamatay ng 67-anyos na matandang lalaki.
Sa isang pahayagm, sinabi ng alkalde na posible sanang naiwasan ang insidente kung nagsabi lang ang aktres tungkol sa community pantry nito.
Ikinalulungkot umano ni Belmonte ang nangyari kaya’t pinaalalahanan niya ang lahat ng pantry organizers na makipag-usap sa mga lokal na opisyal upang matulungan at gabayan sila.
Magpapatuloy pa rin daw ang buong suporta ng Quezon City sa mga community pantries subalit dapat na magsilbi raw itong leksyon sa lahat ng mga organizers na makiisa sa mga hakbang ng barangay, at LGU para maiwasan ang mga ganitong pangyayari.
Kinilala ang namatay na senior citizen bilang si Rolando dela Cruz.
Nahimatay ito habang nakapila sa community pantry ni Locsin sa Holy Spirit Drive sa Barangay Holy Spirit, Quezon City.
Kalaunan ay idineklara itong dead on arrival sa ospital.
Nagpaabot naman ng paumanhin at pakikiramay ang aktres sa pamilya ng biktima.
Ayon kay Locsin, habang buhay siyang hihingi ng patawad sa naiwang pamila ni Mang Rolando.
Si Rolando ay nagbebenta ng balut at alas-3:00 pa lang ng umaga ay nakapila na ito sa pag-asang mabibigyan siya ng libreng pagkain.
Ginawa ni Locsin ang community pantry bilang pagdiriwang na rin sa kaniyang ika-36 na kaarawan.
Paliwanag pa ng aktres na hindi nila ginusto ang nangyari.
Nagsimula aniya sila nang maayos ang layunin, pati na rin ang pagpaplano ng social distancing.
Nagkataon lang daw na halos lahat ng taong nagpunta ay gutom na kaya kahit wala sila sa pila ay nagawa na nilang sumingit.
Nakahanda ring tumulong ang QC sa pamilya ng biktima.
Sasagutin nito ang mga gagastusin sa burol at magbibigay din ng tulong-pinansyal sa pamilya nito.