-- Advertisements --

Nagsampa sa Quezon City Prosecutors Office ang aktres na si Bea Alonzo ng 3 magkakahiwalay na criminal case para sa cyber libel laban sa showbiz columnists at online hosts na sina Cristy Fermin at Ogie Diaz kasama ang kanilang co-hosts sa kanilang online programs.

Naghabla din ng reklamo ang aktres laban sa isang online basher na nagpanggap na malapit sa kaniya.

Nakasaad sa affidavit ni Bea na biktima siya ng mali, malisyoso, at mapanirang impormasyon mula sa isang taong nagpanggap na malapit sa kanya na inilathala pa at napag-usapan sa online shows nina Fermin at Diaz nang walang basehan.

Kasama na rito ang sunud-sunod na pang-iinsulto sa aktres sa kanilang mga column at shows, gayundin ang isyu na hindi umano ito nagbabayad ng tamang buwis.

Kasama ng aktres sa paghahain ng mga kaso ang kanyang abogado na si Atty. Joey Garcia at kaniyang manager na si Shirley Kuan.

Sa ngayon wala pang inilalabas na komento ang panig nina Diaz at Fermin kaugnay sa mga kasong isinampa laban sa kanila.