Naghain ng kandidatura para sa 2025 midterm elections ang aktres na si Vilma Santos-Recto kasama ang kaniyang 2 anak na sina Luis Manzano at Ryan Recto sa lalawigan ng Batangas.
Muling tatakbo ang actress-turned politician na si Vilma Santos bilang Gobernador ng Batangas. Matatandaan na nauna na ring nanungkulan si Vilma Santos bilang Gobernadora ng Batangas sa 3 magkakasunod na termino at bilang alkalde ng Lipa sa 3 ring termino. Nahalal din siyang kongresista ng ika-6 na distrito ng Batangas na binubuo lamang ng city of Lipa noong 2016.
Habang ang TV host, actor-comedian na si Luis Manzano naman ay sasabak na rin sa pulitika at kakandidato sa pagka-Bise Gobernador. Maalala naman na ang amang aktor ni Luis na si Edu Manzano ay nagsilbi ding dating Bise Alkalde ng lungsod ng Makati.
Ang bunsong anak naman ng batikang aktres na si Ryan Recto ay tatakbo bilang kongresista ng Batangas 6th district. Ang ama naman ni Ryan ay kasalukuyang nasa Gabinete ng Marcos administration bilang kalihim ng Department of Finance na si Sec. Ralph Recto.
Magkakasamang naghain ng kanilang mga kandidatura ang mag-iina sa Comelec office sa Batangas Provincial Capitol. Sinamahan din sila ni Finance chief Recto at aktres/model na si Jessy Mendiola bilang pagpapakita ng kanilang suporta.