-- Advertisements --

Na-convict sa kasong graft ang isa sa akusado sa kontrobersiyal na P24-million textbook scam noong 1998 na si Mary Ann Maslog matapos mahatulang guilty ng Sandiganbayan.

Sa promulgation ng kaso nitong Martes, Enero 28 sinentensiyahan ng Sandiganbayan Second Division si Maslog ng hanggang 10 taong pagkakakulong.

Una rito, inakusahan si Maslog kasama ang 2 pa na sina Emilia Aranas at Ernesto Guiang ng pamemeke ng mga rekord ng secure payments mula sa Department of Budget of Management.

Ang mga kasama nitong sina Aranas at Guiang ay kapwa naman na-convict at sinentensiyahan ng anti-graft court ng maximum na 10 taong pagkakakulong noong 2020.

Nalagay naman sa archive ang kaso ni Maslog matapos mapaulat na pumanaw ito noong 2019.

Subalit noon lamang Setyembre 25, 2024, nadiskubre ng National Bureau of Investigation (NBI) na buhay pa pala ito matapos tumugma ang kaniyang fingerprint sa kaniyang ginamit na alias na Jessica Francisco na ikinulong dahil sa pagkakasangkot sa ibang scam.