CAGAYAN DE ORO CITY- Kinontra ng dating House prosecution panel member ng impeachment proceedings laban kay dating Pangulong Joseph ‘Erap’ Estrada ang kalat sa social media na umano’y ni-railroad ng 19th Congress ang proseso sa kinaharap na reklamo ni Vice Pressident Sara ‘Inday’ Duterte sa Senado.
Kaugnay ito sa grabeng init na reaksyon ng social media netizens dahil sa inihaing impeachment complaint kay VP Sara na ibang political dynamics ang ginamit sa halip na idadaan pa sa House justice committee bago iakyat sa Senado na magsilbing korte sa trial proper.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni dating Cagayan de Oro City Mayor Atty. Oscar Moreno na napaka-iresponsable umano ng ilang mga personalidad at socmed netizens na tuligsain ang impeachment action ng mga mambabatas dahil pinahintulutan ito ng Saligang Batas.
Sinabi ni Moreno na tanging sa impeachment lang mapanagot o maalis sa katungkulan ang ilang top government officials dahil hindi sila maaring mahabol ng korte o kaya’y ibang government proper forums.
Ito ang dahilan na dinesenyo ang impeachment para sa mga opisyal na mayroong mga seryosong akusasyon upang pagpaliwanagin sila Senado bago patawan ng pagkasipa o pagpanatili sa puwesto.
Si Moreno na dating kumatawan sa unang distrito ng Misamis Oriental ay kabilang sa nag-prosecute noon sa impeachment case laban kay Estrada dahil sa isyu jueteng payola na nag-resulta ng boluntaryong pagbaba -puwesto nito sa galit ng mga tao.