Tinutulan ng Pilipinas ang akusasyon ng China na sinira ng isinadsad na BRP Sierra Madre sa Ayungin shoal ang coral reef ecosystem sa lugar.
Sa halip tinuro ni National Task Force- West Philippine Sea spokesperson Jonathan Malaya ang China na napatunayang nagdulot ng pinsala sa mga coral at sumira sa natural habitat at kabuhayan ng libu-libong mangingisdang Pilipino.
Tinawag din ng opisyal ang akusasyong ito ng mga tinatawag na Chinese experts laban sa PH na walang katotohanan at paglilihis sa isyu.
Ginawa ng opisyal ang pahayag matapos na iulat ng Chinese state-owned media na Global Times nitong Lunes na natuklasan umano ng Chinese experts na nagdulot ng pinsala sa coral reefs sa ayungin ang kinakalawang na BRP Sierra Madre at polusyon mula sa mga basura at dumi mula sa personnel na nakaistasyon sa barko base umano sa kanilang scientific analysis.
Subalit sa panig ng PH, sinabi ni Malaya na nakakalap din ang PH ng mga ebidensiya na nagpapakita na responsable ang China sa labis na pinsala sa corals sa bajo de masinloc, rozul reef, escoda shoal, sabina shoal maging sa Pag-asa Cays 1, 2, at 3.
Lubha din aniyang nakasira sa marine environment sa WPS ang kumpulan at illegal fishing activities ng Chinese maritime militia sa nasabing mga karagatan.
Sa huli, nagbabala ang tagapagsalita ng NTF-WPS sa publiko at sa international community laban sa pagsisikap ng China na magpakalat ng fake news at maling impormasyon laban sa PH kasabay ng panawagan para sa isang independent marine scientific assessment sa WPS.