Mistulang bumabalik sa gunita ng mga Pilipino ang ala-ala ng bagyong Ondoy sa naging epekto ng bagyong Carina at pinalakas ng Habagat.
Tumama ang Bagyong Ondoy noong Setyembre 26, 2009 kung saan nagbuhos ito ng 455 millimeters ng ulan (17.91 inches) sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon sa loob lamang ng 24 oras.
Sa naturang kalamidad ay umabot sa 464 na katao ang namatay.
Sa naging pananalasa naman ng Bagyong Carina, kasama na ang pag-iral ng Habagat, bumuhos ang hanggang 217mm ng ulan sa loob ng 24 oras habang sa Metro Manila ay dumanas ito ng mahigit 200 mm ng ilang oras na ayon sa mga weather specialist ay hindi pangkaraniwan.
Kabi-kabilaan naman ang posting ng publiko ukol sa kanilang ala-ala sa nangyari sa panahong nanalasa ang bagyong Ondoy sa Pilipinas.
Bagamat 15 taon ang pagitan ng dalawang bagyo, ginunita ng mga ito ang halos pagkakapareho ng dalawang nanalasang bagyo kung saan daan-daang libong katao ang na-displaced, lampas-bahay na taas ng tubig, mga nalubog na sasakayan, paktorya, at iba pa.
Marami rin ang umalala sa nangyaring pagka-stranded ng maraming mga commuter sa ibat-ibang mga lansangan habang nagtatangka ang mga ito na umuwi at pumasok sa kanilang mga bahay at trabaho.
Maliban sa Metro Manila, marami rin ang apektado sa Central luzon at Calabarzon Area, katulad ng nangyari noong nanalasa ang Ondoy.