MANILA – Tatlong rehiyon sa Pilipinas ang binabantayan ngayon ng Department of Health (DOH) dahil sa patuloy umanong pagtaas ng bilang ng kanilang COVID-19 cases.
Ayon kay Dr. Alethea de Guzman ng DOH Epidemiology Bureau, kabilang sa mga tinututukan ng ahensya ang Cagayan Valley, Central Visayas, at Caraga.
“(These regions) are showing this continuous increase in cases.”
Sa Region 2, nakita daw ng Health department na patuloy na tumataas ang bilang ng mga bagong kaso ng coronavirus sa mga probinsya ng Cagayan at Isabela, pati na sa Santiago City.
Bagamat may bahagyang pagtaas sa mga nakalipas na linggo, tuloy-tuloy naman na daw na bumababa ang bilang ng new cases sa Nueva Vizcaya at Quirino.
“Batanes is the only province that were we have not recorded any case in the past 28 days.”
Pagdating naman sa healthcare utilization rate, nasa “high risk” o 85% ang antas ng dedicated beds sa Cagayan; habang 82% sa Nueva Vizcaya.
Kaya apela ni Dr. De Guzman sa mga ospital, dagdagan pa ang nakalaang kama para sa mga pasyente ng COVID-19.
CENTRAL VISAYAS
Inamin naman ng Health official na naka-sentro lang sa lalawigan ng Cebu ang pagtaas ng mga bagong kaso ng sakit sa Region 7.
“Not all areas here are showing increases, but the increase is seem to be happening in the province of Cebu.”
Kung hihimayin ang datos ng DOH, kabilang sa mga binabantayan ang Cebu City, Lapu-Lapu City, Mandaue City at natitirang bahagi ng lalawigan.
Mayroon ding naitala na pagtaas ng kaso sa ibang probinsya, pero hindi umano ito kasing agresibo ng pagsipa sa Cebu.
“Though we’re seeing increases, it’s not as continuous or as consistent in other cities.”
Sa kabila ng nakitang mataas na bilang ng COVID-19 cases sa rehiyon, nananatiling nasa “low at moderate risk” ang utilization rate
ng kanilang healthcare facilities.
Ayon kay Dr. De Guzman, nasa 60% ang pinakamataas na porsyento ng COVID-19 beds na okupado sa rehiyon. Ito ay naitala sa Lapu-Lapu City.
CARAGA, ‘OTHER PRIORITY AREAS’
Samantala, dalawang lalawigan din sa Region 13 ang tinututukan ng DOH.
Inamin ng ahensya na may pagtaas din ng mga kaso sa Agusan del Norte at Dinagat Islands.
“Si Butuan (City) din tinitingnan natin, though hindi siya nagre-register ng mataas na kaso, ang kanyang epidemic curve ay nagpapakita kasi ng upward trend.”
Tulad ng Central Visayas, nasa “low risk” din ang estado ng healthcare facilities sa Caraga region.
Ang pinakamataas lang na healthcare utilization rate ng rehiyon ay naitala sa Butuan City, na nasa 44%.
Bukod sa tatlong rehiyon, ilang siyudad at lalawigan din ang minamatyagan ng DOH bilang “priority areas.”
Kabilang dito ang Cordillera region, Naga City, Compostella Valley, Tacloban City, Makati, Davao region, Lanao del Sur, at Bataan.
“Kahit maliit na numero, fina-flag natin dahil alam natin na ang outbreaks can start very small.”
“We’re hoping that the other regions will follow the trend of other regions na bumababa at nagpa-plateau or consistent na downtrend sa new cases.”
NATIONAL
Kahit may nakikitang pagtaas sa mga kaso ng COVID-19 sa mga rehiyon ang DOH, hindi naman daw ito kasing bilis gaya noong nakaraang taon.
“After natin mag-peak noong Agosto, dramatically nag-decrease. Subalit noong unang linggo ng Enero nakakita tayo ng pagtaas ng kaso.”
“Nagpa-plateau siya or hindi na siya ganon kabilis yung pagtaas ng kaso nationally.”
Ani Dr. De Guzman, ang naturang pagtaas ng mga bagong kaso noong nakaraang buwan ay dulot ng mga pagtitipon noong holiday.
“We’re hoping that the other regions will follow the trend of other regions na bumababa at nagpa-plateau or consistent na downtrend sa new cases.”