(SPECIAL REPORT) MANILA – Tatlong “variants of concern” ng SARS-CoV-2 o ang virus na nagdudulot ng COVID-19, ang binabantayan ngayon ng mga eksperto sa buong mundo.
Ang B.1.1.7 na unang na-detect sa United Kingdom, ang B.1.351 na unang natuklasan sa South Africa, at ang P.1 na nadiskubre sa Brazil.
Ayon kay Dr. Eva Maria Cutiongco-Dela Paz, executive director ng University of the Philippines-National Institute of Health (UP-NIH), bagamat natagpuan sa magkakaibang bansa ang nasabing variants, nakita naman ang pagkakapareho ng kanilang mutation.
Batay sa mga pag-aaral, nakita sa tatlong variant ang “N501Y” mutation. Ito ang pagbabago ng anyo sa parte ng virus na nagdulot ng pagiging mas agresibo nitong makahawa sa ibang tao.
“Ito ay nakaka-apekto sa receptor binding domain ng spike protein. Ito (spike protein) ang protina na ginagamit pang-kapit ng virus sa cell ng katawan ng tao. (Dahil sa mutation) napapalitan ang amino acid ng protina na nasa position 501 ng SARS-CoV-2 ng another amino acid. Yung mutation ay malapit sa dulo kaya binago nito ang hugis ng protina upang magkaroon ng mas mahigpit ang kapit sa cell,” paliwanag ni Dr. Dela Paz.
Bukod sa N501Y mutation, nadiskubre rin sa B.1.351 at P.1 ang “E484K” o mas kilala sa tawag na “escape mutation.”
“Sapagkat nakakatulong sa pagtakas ng virus sa mga panlaban sa immune system ng katawan sa pamamagitan ng pagbabago ng anyo. Ayon sa mga eksperimento, mas mataas na serum antibodies ang kailangan upang maiwasan ang impeksyon sa mga cell ng tao katawan (itong E484K mutation).”
Lumabas sa isang pag-aaral kamakailan na nabawasan umano ng South African variant ang efficacy ng AstraZeneca vaccines.
Pero iginiit ng World Health Organization na mababa ang bilang ng populasyong pinag-aralan, kaya hindi pa masasabing kaya ngang labanan ng naturang variant ang mga bakuna.
‘LINEAGES’
Sa ngayon ang B.1.1.63 o lineage ng SARS-CoV-2 na natuklasan sa Hong Kong ang nananatiling dominant sa Pilipinas. Hindi ito itinuturing na banta ng mga eksperto.
Ayon kay Dr. Dela Paz, ang “lineages” ay sub-type ng SARS-CoV-2.
“Ang mga lineage ay parang iba’t-ibang angkan. Sa loob, mayroon naging sangay at naka-ipon ng mga mutations na maaaring hindi na katulad ng pinanggalingan niyang main family line. Kapag nakaipon ito ng significant mutations, tinatawag ito na variant,” paliwanag ng eksperto.
Una nang sinabi ng mga dalubhasa na normal ang “mutation” o pagbabago sa anyo ng mga virus para sila ay mabuhay.
Gayunpaman, maaari rin daw na maging mapanganib para sa mismong virus ang pagbabago nito ng anyo.
“Habang dumadami sila (virus) pwedeng silang magkaroon ng mutations or “typo errors” kasi kino-kopya niya ang sarili niya. Sa pag-kopya niya pwedeng magka-typo error. Ito ay upang sila ay magsurvive at lumakas.”
“Habang lumalaki ang bilang ng mga kaso ng COVID, nabibigyan ng pagkakataon ang virus na magbago. Ang bawat taong mahahawaan ay pagkakataon para sa SARS-CoV-2 virus na likhain ang kanyang sarili.”
BRAZIL P.1 VARIANT SA PILIPINAS?
Nitong Miyerkules nang linawin ng Department of Health (DOH) na wala pang kaso ng P.1 “variant of concern” ng SARS-CoV-2 sa Pilipinas.
Pahayag ito ng ahensya matapos sabihin ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na mayroon na ring kaso ng binabantayang SARS-CoV-2 variant mula Brazil ang lungsod.
“We’d like to clarify that we have not detected the Brazilian variant of concern (P.1 lineage) in the 3,420 samples we have sequenced as of this date,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Health Usec. Vergeire: W'd like to clarify that we have not detected the Brazilian variant of concern (P.1 lineage) in the 3,420 samples we have sequenced as of this date. | @BomboRadyoNews
— Christian Yosores (@chrisyosores) March 10, 2021
Paliwanag ng tagapagsalita ng DOH, tanging ang Brazil lineage ng SARS-CoV-2 virus na B.1.1.28 ang may presensya sa bansa. Pero hindi raw ito katulad ng B.1.1.7 (United Kingdom) at B.1.351 (South African) variant, na may pinangangambagang katangian.
“We would also like to clarify that a common variant identified among our sequenced samples was of Brazilian origin (B.1.1.28) but NOT a variant of concern,” dagdag ni Vergeire.
Batay sa huling tala ng DOH, mayroon nang 118 kaso ng UK variant sa bansa. Bukod dito, may 58 kaso na rin ng South African variant; at 85 kaso ng N501Y at E48K mutations.
“Ang mga variants of concern ay hindi pa dominant sa bansa… hindi pa natin sinasabi na may kasiguraduhan. Kailangan pang mas pag-aralan at makapag-sequence ng samples na galing sa mga lugar na may spike or clustering ng cases.”