(SPECIAL REPORT) MANILA – Naging maugong ang terminong “mutation” kamakailan matapos mapaulat na may bagong “variant” ng SARS-CoV-2 o ang virus na nagdudulot ng COVID-19, na kumakalat sa United Kingdom.
Nagdulot tuloy ito ng pangamba sa ilan dahil sinasabi ng British health experts na mas nakakahawa ang bagong variant ng sakit. Pero paliwanag ng ilang local scientists, walang dapat ikabahala ang publiko dahil normal ang “mutation” ng mga virus.
Ayon kay Dr. Celia Carlos, direktor ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM), ang “mutation” o pagbabago ng anyo, ay bahagi ng proseso para mabuhay ang isang virus.
“Viruses are living organisms, buhay sila, so they multiply. ‘Pag nagmu-multiply ang isang living organism, mayroong minsan changes na nangyayari in a normal rate, for which scientists call mutation. These mutations are generally for the good of the virus,” ani Dr. Carlos.
“The virus aims to make itself propagate or sustain its life span. Kapag nag-encounter siya ng adverse environment, nag-change siya.”
Paliwanag ng RITM director, kadalasang nangyayari ang “mutation” kapag may pagbabago sa struktura ng virus. Sa prosesong ito raw naitatala kung may natanggal, napalitan o may nagbago sa genetic structure nito.
Ito rin ang kinumpirma ni Dr. Cynthia Saloma, executive director ng Philippine Genome Center (PGC).
“During the time of copying or replication, may error, (doon) nagmu-mutate.”
Inamin ng Pinay scientist na hindi naman palaging masama ang dulot sa host o tao at hayop kapag nag-mutate ang virus. Katunayan, mas malaki raw ang tsansa na mamatay ang virus kung “virulent” o ang nakakamatay ang anyo nito.
Paliwanag ni Dr. Saloma, kailangang “mild” o katamtaman lang ang mutation ng isang virus para mapanatili nito ang kanyang anyo.
“Its important for everyone to know na just because may base changes sa virus na ‘yan it doesn’t mean na palaging harmful, pwedeng ang mutation ay neutral (or) wala lang.”
“Hindi naman laging bad ‘yon (mutation), pwede na ang mutation bad sa virus then mamamatay siya. Pwede rin mag-mutate ang virus na parang wala lang nangyari, neutral. Pwede rin na yung virus magiging better and adaptive sa human host, so pwede siyang tumagal nang tumagal.”
Dahil sa pandemyang idinulot ng SARS-CoV-2 virus, maraming scientists at health expert ang nag-aral sa sakit. Sa ngayon, aabot sa 12,000 mutations ng virus na raw ang naitala ng mga nag-aral na eksperto sa buong mundo.
Ilan sa mga natukoy na mutation ng virus ay kapareho sa nadiskubre sa UK, kung saan sinasabing mas madaling naipapasa ang sakit sa ibang tao.
“There’s also one mutation noted where there was a deletion in the spike protein, so that’s being interpreted as possible effect on the antibody response of the host,” ani Dr. Carlos.
“Halimbawa, gumaling na siya, vaccinated, or immune na siya, pero because of this alteration the virus is able to survive even in a previously infected patient with antibodies or previously vaccinated patient,” dagdag ng RITM chief.
Ilang bansa na rin sa Europe at Asia ang nakapagtala ng bagong variant ng COVID-19 virus. Pinaka-huling nag-report ang bansang Canada.
VARIANT VS STRAIN
Nilinaw naman ng kilalang infectious diseases expert na si Dr. Edsel Salvana na magkaiba ang “variant” at “strain.”
Ayon sa kanya, ginagamit ang terminong “strain” kapag ang mga naitalang mutation ng isang virus ay hindi na kayang labanan ng mga bakuna at antibody ng tao.
“Genetically, isa lang ang strain ng SARS-CoV-2. Kasi yung SARS-CoV, MERS-CoV, these are all strains of coronavirus. Ang strain lang natin ng SARS-CoV-2 ay iisa,” ani Dr. Salvana, na miyembro rin ng DOH Technical Advisory Group.
Samantala, ang terminong “variant” naman ay ginagamit daw kapag may naitatalang mutation ang isang strain ng virus.
“Any mutations to that strain is called a variant. (But) if at some point dumami talaga yung mutations na hindi na gumagana yung bakuna, or iba na yung response ng antibody, that’s the only time na sasabihing may bagong strain.”
Kung maaalala, nadiskubre ng PGC at RITM noong Hunyo na ang D614G mutation ng virus ang “dominant” o nangingibabaw na variant ng sakit na kumakalat sa Pilipinas.
“So far yung distinct genotype or sequence of mutation in UK, other than the D614G, di pa naman nakikita sa samples natin, which we did until October.”
“Yung commonality lang natin with UK variant is the region na D614G, kumakalat pa rin, essentially the dominant strain in the country and worldwide.”
Itinuturing ngayon na “dominant” mutation ng virus ang D614G sa buong mundo. Natukoy kasi ng mga scientists ang pagbabago sa anyo ng “spike protein” o bahagi ng virus na kumakapit sa cell ng tao, na siyang dinadaanan ng genetic material ng sakit papasok sa katawan ng tao.
Aminado ang Department of Health na naka-apekto ang naturang variant kaya sumirit ang COVID-19 cases sa bansa noong ikatlong quarter ng taon.
Ayon sa ahensya, habang pinag-aaralan pa rin ng mga eksperto ang katangian ng SARS-CoV-2, mahalagang sundin pa rin ng bawat isa ang minimum health standards para maiwasan ang banta ng impeksyon sa COVID-19.