Naghatid ng panibagong patikim si US President Donald Trump para sa mamamayan ng Estados Unidos na hindi pa makapagdesisyon kung sino ang iboboto sa nalalapit na US Presidential Elections 2020.
Sa kaniyang final prime-time television event bago ang eleksyon, isinawalat nito ang tungkol sa umano’y far right conspiracy theory movement at maging ang mga bagong ilalatag na hakbang mg kaniyang administrasyon para mapagtagumpayan ang laban kontra coronavirus disease.
“We have done an amazing job. And it’s rounding the corner. And we have the vaccines coming and we have the therapies coming,” pagmamalaki ni Trump.
Subalit tila sinupalpal ito ng host na si Savannah Guthrie dahil kumpara raw sa mga bansa sa buong mundo ay Amerika ang may pinaka-maraming namamatay mula sa deadly virus.
“I have things right here that will tell you exactly the opposite,” dagdag pa nito.
Kasabay nito ay nagsagawa rin ng sariling town hall debate si dating US Vice President at Democratic nominee Joe Biden. Nangako si Biden na magkakaroon na ng paninindigan ang Democrats sa kanilang isinusulong na expansion ng Supreme Court sa oras na siya ang manalo sa pagka-pangulo.
“They do have a right to know where I stand, and they’ll have a right to know where I stand before they vote,” saad ni Biden.
Nais din daw niyang makita kung ano ang hakbang na ginawa ng Republicans para mabilis na mapalitan ang yumaong si Justice Ruth Bader Ginsburg.