Manunumpa na bukas ng alas-12:00 katanghalian (1AM oras sa Pilipinas) si President-elect Joe Biden bilang ika-46 na pangulo ng Estados Unidos.
Ito ay sa kabila ng kaliwa’t kanang tradisyon at seremonya kasabay ng nagpapatuloy na banta ng coronavirus pandemic at mahigpit na seguridad dahil sa nangyaring pag-atake sa Capitol Hill noong Enero 6.
Nakatakdang manatili sina Biden at ang kaniyang asawa na si Jill sa Blair House na matatagpuan sa tapat ng White House sa Lafayette Square. Ginagamit ng US government ang naturang pasilidad sa tuwing may espesyal na bisitang pupunta sa Amerika.
Sa Huwebes naman ng umaga, araw ulit sa Pilipinas, ay dadalo naman si Biden sa gagawing misa sa St. Matthews church sa Washington kung saan inimbitahan niya na dumalo rin ang Congressional leaders mula sa magkaibang political parties.
Magiging representative ng Republicans sina Senator Mitch McConnell at Congressman Kevin McCarthy, habang sa Democratic Party naman sina Senator Chuck Schumer at Congresswoman Nancy Pelosi.
Pagkatapos ng misa ay gagawin naman ang motorcade patungong Capitol, kung saan nangyari ang kaguluhan dahil sa paglusob ng mga taga-suporta ni outgoing President Donald Trump.
Manunumpa si Biden sa oras na matapos na ang panunumpa ni Vice President-elect Kamala Harris saka nito idi-deliver ang kaniyang inaugural speech. Inaasahan na kasali sa nasabing talumpati ang mga plano ng kaniyang kampo kung papaano haharapin ang kabi-kabilang krisis sa US at gayundin ang muling pagtayo ng ekonomiya nito.
Isasara naman ang National Mall mula Capitol hanggang Lincoln Memorial dahil sa banta ng COVID-19 at dahil na rin sa mahigpit na seguridad ng national guards.
Saka naman magtutungo si Biden sa Arlingtonb National Cemetery sa labas ng Washington para maglagay ng wreath sa Tomb of the Unknowb Soldier. Sasamahan siya nina dating US Presidents Barack Obama, George W. Bush at Bill Clinton.
Mula Arlington ay muling sasakay si Biden sa motorcade pabalik ng White House at sa kauna-unahang pagkakataon ay papasukin ang kaniyang magiging bagong tahanan sa loob ng apat na taon.
Inaasahan din na kaagad lalagdaan ni Biden ang kaniyang unang executive orders pagdating sa White House.