-- Advertisements --
Dr. Phillip Alviola Bombo Radyo Makati
IMAGE | Bat ecologist and UP Los Baños associate professor Dr. Phillip Alviola/Bombo Radyo

MANILA (SPECIAL REPORT) – Isa ang paniki sa mga unang pinag-suspetsahan na nagdulot ng pandemic na coronavirus disease (COVID-19).

May mga pag-aaral na rin kasing nagsabi tungkol sa pagiging “carrier” ng mga ito ng iba’t-ibang virus.

Katunayan ang mga kumalat na sakit noon tulad ng Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS), Middle East Respiratory Syndrome (MERS) at Ebola ay iniugnay sa mga paniki.

Ayon sa bat ecologist at associate professor ng University of the Philippines – Los Baños (UPLB) na si Dr. Phillip Alviola, hindi tulad ng tao, mas malakas ang resistensya ng mga paniki sa virus.

“Most species of bats talagang parang may equilibrium with the virus. That’s why maraming napunta na virus (sa kanila) and it doesn’t affect them in such a way that would happen in human,” ani Dr. Alviola sa panayam ng Bombo Radyo.

Paliwanag ni Dr. Alviola, nagsisilbing depensa ng mga paniki sa pag-atake ng mga virus ang kanilang kakayahan na lumipad.

Bagamat ang kakayahang ito rin ang nagdudulot ng damage o pagkasira sa kanilang cells at tissues, pati na sa DNA at RNA, na siyang inaatake ng mga virus.

“When that happens, normally for example sa human, pag na-encounter nila ‘yung bits and pieces (of damage sa DNA/RNA), your whole system will react to that like (magkakaroon ng) high temperature, fever, respiratory track ailment, nagkakaroon ng overreaction ‘yung antibody, (pero) sa bats it doesnt make sense.”

“Their (bats) immune system has developed, through millions of years of adaptation, na they don’t overreact (to the viruses),” dagdag ng award-winning scientist.

Ayon kay Dr. Alviola, kahit may panganib ang exposure sa virus na bitbit ng paniki, maliit ang tsansa na maging banta ito sa mga tao.

Sa mga pag-aaral sa ibang bansa, tinukoy ng mga scientists ang “intermediary species” na responsable sa pagkalat ng coronavirus na mula sa paniki.

Ang “intermediary species” ay mga hayop na nagkaroon ng contact sa isang kapwa hayop at tao na may sakit. 

Kapag nagsama ang virus na galing sa infected na hayop at tao, maaari itong mag-mutate o mabago ng anyo at maging isang “zoonotic disease,” na mapanganib sa parehong hayop at tao.

Halimbawa sa 2003 SARS, tinurong intermediary species ng civet cats o musang. Habang camel ang sa MERS-CoV na pumutok noong 2012.

Naniniwala si Dr. Alviola na posibleng “overreaction” ng katawan ng tao sa SARS-CoV-2 ang pinagmulan ng COVID-19.

“Successful transmission from bats to humans is a very rare event. Maraming pagdadaanan pa rin. It just so happened that the SARS-CoV-2 is really compatible when in terms of latching on to several cells in the body. (It has) very small chances of happening.”

BAT BIODIVERSITY SA PILIPINAS

BATS DENR LISA PAGUNTALAN
IMAGE | A closer view of these amazing bats called flying foxes hanging upside down on top of Rhizophora branches. These mega bats may play its greatest contribution to the health of forest ecosystems in Surigao del Norte and man-made plantations as well in the province./DENR-CENRO TUBOD, Facebook

Batay sa datos ng Biodiversity Management Bureau ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), mayroong higit 78 species o uri ng paniki sa Pilipinas. Karamihan daw sa mga ito ay dito pa lang sa bansa natatagpuan.

Ayon kay Dr. Alviola, na kabilang sa roster of experts ng DENR, mas maliit ang bilang ng bat species sa Pilipinas kumpara sa mga bansang nasa mainland Asia tulad ng China, at Europe.

Nahahati sa dalawang sub-groups ang mga uri ng paniki: ang fruit-eating bats at micro bats.

“Fruit bats usually rely on sight and smell. For insect eating bats (micro bats), ang main sense nils ay gumagamit sila ng ‘echolocation calls,’ parang sonar like dolphins. Ultrasonic beyond human hearing. They can navigate using their sound from their bodies, mouths, and throat; and they can locate prey using that.”

Ang microbat na “horseshoe bat” sa China ang sinasabing pinagmulan ng SARS-CoV-2. Nakita raw kasi ng mga scientist ang pagkakapareho ng SARS-CoV-2 sa coronavirus na nakita sa nabanggit na paniki.

“We also have that kind of bat in the Philippines, yung Rhinolophus (or horseshoe bat). Siguro around 12 or 13 species all in all; and we’ve also found coronavirus sa mga paniki na ito… (pero hindi sila dapat katakutan).”

Hindi tulad ng mga paniki sa Amerika at Europe, wala raw ebidensya na ang mga paniki sa Pilipinas ay nagma-migrate o lumilipat sa iba’t-ibang lugar. Ito ay kahit pa may kapasidad ang mga ito na lumipad ng malalayong distansya.

“At most mga 10 hanggang 50 kilometers pero hindi yung talagang cyclical due to season. Seasonal kasi yung migration eh, pero here in the Philippines they don’t do that.”

BENEPISYO NG MGA PANIKI

POLLINATING BAT STEVE BUCHMANN
IMAGE | Mexican Long-Tongued Bat (Choeronycteris mexicana)/Steve Buchmann, USDA Forest Service

Kahit kilalang “carrier” ng mga nakakahawang sakit ang mga paniki, hindi naman matatawaran ang kanilang ambag sa kalikasan.

Ayon kay Dr. Alviola, malaki ang papel na ginagampanan ng mga paniki lalo na sa industriya ng mga prutas.

“They pollenate mga flowers so that magkakaroon ng fertilization so thereby nagiging fruits. For example (on industries of) durian and mangoes. Its a billion dollar industries that are highly reliant on bats.”

Nakakatulong din daw ang pagpapakalat ng mga paniki ng binhi para umusbong ang mga halaman at iba pang pananim.

“Yung mga kinakain nilang prutas they defecate, dinu-dumi nila kasama yung mga seeds. (With that) mas mataas ang germination success, mas sisibol ang mga seeds kapag dumaan sa bituka ng paniki.”

Dagdag pa ni Dr. Alviola, nakakatulong din ang mga paniki para labanan ang mga peste ng pananim na palay at mga insektong nagdudulot ng delikadong sakit.

Pinapanatili rin umano ng mga paniki ang balanse ng mga hayop sa kagubatan.

“Bats can act as a biological control that has implications on agriculture, public health, and biodiversity conservation.”

‘VIRUS HUNTERS’

ELOISA LOPEZ REUTERS VIRUS HUNTERS UPLB
IMAGE | Scientists wear equipment to protect themselves from exposure to bats, as they set up a mist net in front of a building with a bat roost at the University of the Philippines at Los Baños on February 19, 2021./Eloisa Lopez, Reuters

Higit dalawang dekada na ang kasanayan ni Dr. Alviola sa pag-aaral sa mga paniki.

Ngayong taon, isang panibagong pananaliksik ang sinimulan ng tinaguriang “Philippine batman” para makabuo ng “simulation model” na tutulong sa pagtukoy at pagsugpo ng posibleng susunod na pandemya.

Katuwang ni Dr. Alviola ang iba pang bat ecologist ng UPLB, at mga dalubhasa sa Japan at Vietnam. Ang pag-aaral ay suportado sa ilalim ng e-ASIA Joint Research Program. 

Tinawag na “virus hunters” ang grupo ni Dr. Alviola na nag-umpisang manaliksik sa mga paniki ng Mt. Makiling sa Laguna.

“We capture different kinds (of bats) using mga technique or equipment. Primary to this is the mist net o parang volleball net; and once we capture it, we measure body weight, (then we) swab orally and on anal region, then we put these (samples) in a reagent and store sa -80 degree refrigerator for future analysis.”

Ayon kay Dr. Alviola mahalaga ang tuloy-tuloy na pag-aaral sa mga paniki dahil sa pagiging “natural reservoir” ng mga ito sa coronavirus at iba pang nakakahawang sakit.

Sa mga nakalipas na taon, naging kapansin-pansin daw ang mas mabilis nang pagkalat ng mga nakakahawang sakit mula sa hayop papuntang tao.

Binigyang diin ng Pinoy scientist na kasing-halaga ng mga pag-aaral ang pananatiling balanse ng kalikasan. Maaabot lang daw ito kung mayroong disiplina at respeto ang mga tao sa bawat hayop na nabubuhay sa mundo.

“This is a classic textbook example na kung ano ‘yung ginawa natin sa kalikasan ay siyang babalik sa atin… it will happen if the exploitation of our nature resources will continue, the wildlife trade, persecuting wild animal population. If we don’t talagang malilintikan tayo in the next few years.”