Nagpasalamat ang aktor na si Roderick Paulate sa lahat ng mga sumuporta sa kandidatura niya bilang bise alkalde ng Quezon City, kasabay ng pasimpleng sentimyento sa pag-concede.
Ayon sa “Petrang Kabayo” star, hindi siya kumbinsido sa bilang ng mga botong natanggap niya kaya natalo kay Gian Sotto.
“Sa lahat ng sumuporta at nagmahal. Taos puso akong nagpapasalamat. Hindi man tayo nanalo marahil may plano ang Dios. Hindi man ako ganun kakumbinsido sa botong nakuha ko (108,000+) dahil ito rin halos ang nakuha kong boto noong 2016 sa aming distrito 2 lang sa aking pagiging konsehal…ganun po talaga ang politika,” saad ni Paulate.
Kung maaalala, nahaharap ang 59-year-old celebrity politician sa graft and falsification cases dahil umano sa pag-hire ng nasa 30 ghost employees.
Samantala, kabilang pa sa mga kilalang personalidad na bigong manalo ay si Emilio Ramon “ER” Ejercito matapos tinalo ng incumbent Laguna governor na si Ramil Hernandez, at si Edu Manzano sa kanyang congressional bid sa San Juan City kung saan nanalo ay si Ronny Zamora.
Kamakailan lang nang hatulan siyang guilty ng Sandiganbayan para sa kinakaharap na kasong graft dahil daw sa maanomalyang insurance deal noong siya pa ang alkalde ng Pagsanjan, Laguna, taong 2008.
Habang si Manzano ay diniskuwalipika ng Commission on Elections dahil lumalabas na hindi pa raw ito Pilipino noong panahong inihain nito ang kanyang kandidatura.
Nagpahayag naman ng kalungkutan ang dating aktor na si Richard Yap matapos matalo sa pangarap na maging congressman dahil hindi raw siya nabigyan ng pagkakataon sa mga plano nito lalo na sa mga Cebuano.
Sa kabilang dako, ang mga nagbubunying local stars ay si Jolo Revilla na magpapatuloy sa paglilingkod bilang Cavite vice governor, habang babalik si Dan Fernandez sa Congress bilang house representative ng unang distrito ng Laguna matapos manungkulan bilang Sta. Rosa City, Laguna mayor.
Nabatid na bago pa naganap ang May 13 midterm polls, sure winners na sina Dan at Jolo dahil wala silang mga kalaban.
Nananatili ring panalo ang Star for All Seasons na si Vilma Santos-Recto bilang house representative ng lone district ng Lipa City sa Batangas, at si Alfred Vargas sa 5th District ng Quezon City.
Habang si Jhong Hilario ang nangunguna sa bilangan bilang Makati City first district councilor na mayroon nang 90,525 votes (as of posting time).