MANILA (Update) – Ilang lugar sa Luzon ang inaasahang makakaranas ng rotational brownout dahil sa “yellow at red alert.”
Ayon kasi sa Department of Energy (DOE), manipis ang reserba ng kuryente sa Luzon grid. Gayundin na kulang ang supply ng kuryente dahil sa aberya sa ilang power plant.
Batay sa advisory ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), magpapatupad ito ng “Manual Load Dropping” sa ilang lugar mula ala-11:00 hanggang 12:00 ng tanghali. Ibig sabihin makakaranas ng rotational brownout ang:
*ISELCO I (parts of Isabela)
*NEECO II-Area 1 (parts of Nueva Ecija)
*SAJELCO (San Jose City, Nueva Ecija)
*PAMES (Pantabangan, Nueva Ecija)
*CASURECO II and *CASURECO IV (parts of Camarines Sur)
*MERALCO (parts of Metro Manila)
“Schedule may be cancelled if system condition improves, such as if actual demand falls below projections,” ayon sa NGCP.
Sa hiwalay na advisory, tinukoy ng Manila Electric Company (MERALCO) ang mga lugar na makakaranas din ng rotational brownout mula alas-10:00 ng umaga hanggang alas-12:00 ng tanghali.
Kabilang dito ang ilang lugar sa Cavite, Bulacan, Laguna, Caloocan City, Valenzuela City, Quezon City, at San Juan City.
“In case of supply deficiency, corporations and commercial establishments participating under the Interruptible Load Program (ILP) are ready to use their generator sets to help prevent / minimize incidents of power outage.”
Una nang nakaranas ng rotational brownout ang ilang bahagi ng Baguio City at Benguet, Nueva Ecija, Quezon province, Sorsogon, at Metro Manila kaninang alas-10:00 hanggang alas-11:00 ng umaga.
Ayon sa NGCP, maghapong mararanasan ang yellow at red alert sa Luzon, na posibleng magdulot din ng mas mahabang “rotational blackout.”
Una nang sinabi ng Energy department na nakaapekto rin sa yellow at red alert ang mataas na heat index kamakailan, maintanence work at biglaang outages sa malalaking planta ng kuryente, at mababang gas pressure mula sa Malampaya.