MANILA – Nakalatag na ang pagsisimula ng COVID-19 vaccine rollout sa Pilipinas, kasunod ng naka-schedule na pagdating ngayong araw ng 600,000 doses ng CoronaVac vaccine ng Chinese company na Sinovac.
Ayon sa Philippine Information Agency (PIA), magkakaroon ng “symbolic vaccination” bukas, March 1, sa ilang COVID-19 referral hospitals sa Metro Manila.
Magiging simultaneous o sabayan ang programa na mag-uumpisa ng alas-9:00 ng umaga.
Kabilang na rito ang UP-Philippine General Hospital kung saan inaasahan ang pagdalo nila Vaccine czar Carlito Galvez, Presidential spokesperson Harry Roque, at Food and Drug Administration director general Eric Domingo.
Ilan pa sa inaasahang attendees ng programa ay sina MMDA chairman Benhur Abalos, Manila Mayor Isko Moreno, at Dr. Maria Paz Corrales, assistant regional director ng DOH-NCR.
Batay sa PIA advisory, magbibigay ng welcome address sina PGH director Dr. Gerardo Legaspi at PGH spokesperson Dr. Jonas del Rosario.
Sa Lung Center of the Philippines naman inaasahang pupunta sina Health Sec. Francisco Duque III, MMDA general manager Jojo Garcia, Quezon City Mayor Joy Belmonte, at Dr. Corazon Flores, regional director ng DOH-NCR.
Habang sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Medical Center and Sanitarium (Tala) inaasahang dadalo sina Testing czar Vince Dizon, Caloocan City Mayor Oscar Malapitan, MMDA chief of staff Michael Salalima, at Health Asec. Elmer Punzalan.
Bukod sa referral hospitals, pasok din sa schedule ang programa sa Veterans Memorial Medical Center. Dito naman inaasahang pupunta sina Defense Sec. Delfin Lorenzana at DOH director Napoleon Arevalo.
Pati na sa Philippine National Police General Hospital, kung saan expected attendees sina Interior Usec. Bernardo Florece, PNP chief Debold Sinas, at DOH director Aleli Annie Grace Sudiacal.
Samantalang alas-10:00 ng umaga ang programa sa Victorio Luna Medical Center. Kabilang sa mga inaasahang attendee sina AFP chief of staff Cirilito Sobejana, Surgeon Gen. Nelson Pecache, Quezon City Mayor Joy Belmonte at Dr. Corazon Flores, regional director ng DOH-NCR.
Alas-5:00 ngayong hapon dadating sa Villamor Airbase ang shipment ng Chinese vaccine. Kabilang si Pangulong Rodrigo Duterte sa inaasahang sasalubong dito.
Matapos nito ay dadalhin sa DOH cold storage facility sa Marikina City ang mga bakuna.