Matapos pumanaw ni Pope Francis sa edad na 88, ngayong Lunes, Abril 21, o sa tunay nitong pangalan Jorge Mario Bergoglio, muling magtitipon ang mga Cardinal sa Roma para sa Conclave na maghahalal ng bagong Santo Papa.
Magugunita na si Pope Francis ang kauna-unahang Latin American na pinuno ng Simbahang Katoliko, kaya marami ang umaasang muling magtatala ng kasaysayan ang Simbahan.
Usap-usapan na dito ang paghalal ng mga lahing Aprikano at Asianong Cardinal.
Una na rito si Cardinal Peter Turkson,76, na mula sa Ghana na maaaring maging unang lahing Aprikano na Santo Papa. Kilala sa kanyang papel bilang peace envoy sa South Sudan at sa kanyang pananaw sa isyu ng LGBTQ+ sa Africa.
Ikalawa sa mga napipintong maging Santo Papa ay si Cardinal Luis Antonio Tagle, 67, na ipinanganak dito sa Pilipinas. Dating Arsobispo ng Maynila at ngayo’y isang opisyal sa Vatican. Posibleng maging unang Asianong Papa si Tagle na kilala bilang liberal, at isa sa mga nanawagan ng higit na pag-unawa para sa mga LGBTQ+ community at sa mag-asawang nagdi-divorced.
Ikatlo ay si Cardinal Pietro Parolin ng Italya, 70, Isang kalihim ng Estado ng Vatican at itinuturing na “continuity candidate.” May malawak na karanasang diplomatiko ngunit binatikos dahil sa ginawang kasunduan ng Vatican sa China.
Pang apat ay si Cardinal Péter Erdő ng bansang Hungary, 72, – kilala bilang konserbatibo mula sa dating Soviet bloc. at isa sa mga tumutol sa pagkomunyon ng mga katolikong hiwalay sa kanilang mga asawa o mga nag-aasawang muli.
Sumundo ay si Cardinal José Tolentino de Mendonça, 59, mula Portugal. Mas batang kandidato na bukas sa modernong kultura. Kilala sa kanyang pagiging makabago at intelektuwal.
Ika-anim ay si Cardinal Matteo Zuppi, 69, ng Italya kilala sa kanyang gawaing pangkapayapaan, kabilang ang misyon sa Ukraine. Malapit kay Pope Francis at kilalang may malasakit pagdating sa mga isyung panlipunan.
Pang pito ay si Cardinal Mario Grech ng Malta, 68, – nanawagan ng bagong wika ng Simbahan sa pakikitungo sa mga isyu tulad ng ‘diborsyo’ at ‘same-sex relationships.’
Ang Pang-walo ay si Cardinal Robert Sarah ng bansang Guinea, 79., Isa ring posibleng unang lahing aprikano kung magiging Santo Papa. Bagamat may edad na kilala ito sa matitinding paninindigan lalo na ang pagiging konserbatibo pagdating sa mga Katoliko.
KULAY NG USOK MULA SA TSIMENEA
Nagsisimula ang proseso ng eleksyon para sa susunod na Santo Papa sa loob ng Sistine Chapel sa Vatican. Ayon sa tradisyon, dalawang beses sa isang araw bumoboto ang mga Cardinal hanggang sa may makakuha ng higit sa dalawang-katlong bahagi (2/3) ng boto upang mahalal bilang bagong pinuno ng Simbahang Katolika.
Ang mga boto ay isinusulat sa isang card na may nakasulat na Latin na pariralang “Eligo in Summum Pontificem”, na nangangahulugang “Pinipili ko bilang Kataas-taasang Santo Papa.” Bago ihulog ang card sa isang gintong chalice, ang bawat Cardinal ay nanalangin muna.
Habang isinasagawa ang pagboto, libu-libong tao ang karaniwang nagtitipon sa St. Peter’s Square upang bantayan ang usok mula sa tsimenea ng Sistine Chapel.
Kapag walang nagwawaging kandidato, sinusunog ang mga balota kasama ng isang kemikal na naglalabas ng itim na usok — hudyat na wala pang bagong Papa. Kapag naman may nahalal na, puting usok ang lumalabas bilang tanda na may bagong na halal na Santo Papa.