Naniniwala si dating Gilas Pilipinas captain Jimmy Alapag na malaking kawalan umano para sa national team kung hindi makakapaglaro si Jayson Castro.
Paliwanag ni Alapag na head coach ngayon ng Alab Pilipinas, importante umano para sa Gilas ang malawak na karanasan ni Castro sa mga international competitions.
Gayunman, kumpiyansa si Alapag na mapupunan ng ibang mga players ang iiwanang puwang ni Castro kung sakali.
Una nang sinabi ni Gilas coach Yeng Guiao na malabo pa rin daw sa kasalukuyan ang status ni Castro dahil sa “personal priorities.”
Matagal nang naglalaro para sa national squad si Castro kung saan kabilang ito sa team na nagtapos sa second place noong 2013 FIBA Asia men’s Championship sa Manila.
Dahil dito, nakasungkit ng puwesto ang Pilipinas sa FIBA World Cup noong 2014, na unang pagkakataon na nakasali ang bansa sa naturang torneyo matapos ang 40 taon.