Sigurado na ang puwesto ng Alas Pilipinas sa semifinals ng Asian Volleyball Confederation Challenge Cup na kasalukuyang ginaganap sa Manila simula May 22 hanggang May 29, 2024.
Ito ay matapos talunin ng women’s volleyball national team ang Iran, India, at Australia sa pool A ng naturang tourney.
Nagwagi ang Alas Pilipinas kontra Iran sa tatlong sunod-sunod na set sa score na 25-16, 25-13, at 25-15.
Habang sa apat na set naman tinalo ng Alas Pilipinas ang bansang India sa score na 22-25, 25-21, 25-17, at 25-18.
Sa unang laban naman nila sa AVC Challenge Cup ay tinalo nito ang Australia sa 4 sets sa score na 22-25, 25-19, 25-16, at 25-21.
Dahil dito, umakyat din ang Pilipinas sa World Ranking ng women’s volleyball mula ika-63 puwesto ay kasalukuyan na itong nasa ika-57 na puwesto.
Sa kasalukuyang standing ng Pool A at Pool B, posibleng makatapat ng Alas Pilipinas ang Kazakhstan sa semifinals sa darating na May 28, 2024 sa Rizal Memorial Coliseum.
Ito na ang best finish ng Philippine Women’s Volleyball national team sa AVC dahil nasa ika-7 puwesto lamang ito noong nakaraang taon.
Pinamumunuan nina team captain-setter Jia De Guzman at libero Dawn Macandili-Catindig ang grupo. Kabilang din dito ang ilang UAAP standout players na sina Angel Canino at Thea Gagate.