-- Advertisements --

NAGA CITY – Maagang naglakad ang ilang deboto ng Amang Hinulid sa taunang tradisyon na Alay Lakad sa Camarines Sur.

Alas-5:30 kaninang umaga ng magsimula umanong maglakad ang pamilya ni Maria Noora na nagmula pa sa bayan ng San Fernando.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga ki Noora, sinabi nito na nagsimula siyang maglakad kasama ang kanyang mga anak sa Naga Metropolitan Cathedral para umano makarating din ng maaga sa Barangay Sta. Salud kung saan nakalagak ang imahe ng Amang Hinulid.

Kaugnay nito, mahigpit na ang ipinapatupad na seguridad sa nasabing lugar at pinagbabawal ang mga nagtitinda sa palibot ng chapel.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Kapitan Virginia Oliva, sinabi nito na maagang nagbantay ang mga kapulisan, mga barangay tanod at ilan pang volunteer groups para matiyak ang kaayusan ng lugar sa inaasahang buhos ng tao.

Inaasahan din umano nila ang pagdating rin ng dagdag na pwersa mula sa Philippine Army dahil na rin sa inaasahan pang pagbuhos ng milyong deboto ngayong araw sa kanilang lugar.

May mga isasara na ring kalsada sa mga sasakyan para mabigyan daan ang mga naglalakad at pumipilang deboto para lamang makahalik at makapagdasal sa imahe ng Amang Hinulid.

Una rito, nasa 14 na kilometro ang lalakarin ng mga deboto mula Naga City hanggang sa makarating sa Barangay Sta. Salud ng bayan ng Calabanga kung saan naroon ang itinuturing na milagrosong Amang Hinulid.