LEGAZPI CITY – Nadismaya ang isang mambabatas sa Albay matapos makita ang umano’y hindi magandang pagkakagawa ng mga flood control projects sa lalawigan.
Dahil dito, nais ni Albay 3rd District Representative Fernando Cabredo na pagpaliwanagin ang Department of Public Works and Highways (DPWH) Bicol upang mabigyan ng linaw ang isyu, lalo na sa mga nasirang dike noong nakalipas na mga sama ng panahon.
Paliwanag ng mambabatas sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na imbes na mga bato ay buhangin ang ginamit sa pagtatayo ng ilang mga dike kaya mahina ang pundasyon.
Iminungkahi pa ni Cabredo ang pagkakaroon ng multi sectoral inspection team upang mabantayan ang mga proyekto na pinangungunahan ng DPWH at maiwasan ang mga substandard na imprastraktura.
Karaniwan kasi aniyang mula rin sa DPWH ang mga nag-iinspeksyon ng mga programa kaya nagkakaroon ng iregularidad at nakakalusot ang ilang mga proyekto na hindi naabot ang standard.
Matatandaan na nalubog sa baha ang malaking bahagi ng Albay partikular na ang ikatlong distrito matapos ang pananalasa ng nakalipas na mga sama ng panahon na tumama sa lalawigan.