-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Inaabangan na sa Albay ang pagbisita ng mga kandidata mula sa iba’t-ibang bansa na magtatagisan ng ganda, talino at adbokasiya, para sa Miss Earth 2019 na gaganapin sa darating na Oktubre.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Department of Tourism (DOT)-Bicol director Benjamin Santiago, nagtungo at nakipag-usap na ang promoter ng pageant sa Team Albay Youth Organization (TAYO) Inc., na magsisilbing organizer sa event.

Tiyak na aniya ang pagsasagawa ng swimsuit at national costume competition sa Legazpi City at Camarines Norte kung saan umaasa si Santiago na maipapakita ang #ExcitingBicol.

Samantala, inaalam pa kung sa Albay din isasagawa ang grand coronation ng patimpalak.

Kung babalikan, noong nakaraang taon lamang nang bumisita at isagawa rin sa lalawigan ang mga sideline activities ng Miss Earth.

Ayon pa kay Santiago, posibleng nagustuhan ng promoter ng international pageant ang kakaibang hospitality na ipinakita ng mga Bicolano kaya muling bumalik at i-feature ang angking ganda ng lugar.

Pambato ng bansa ngayong taon ay ang nasa larawan, ang 28-year-old beauty mula Pasig na si Janelle Tee.

Noong 2018 ay bigo ang Pilipinas na maibigay ang back-to-back win sa Miss Earth pageant pero nakaabot hanggang sa Top 8.