LEGAZPI CITY – Pormal nang isinailalim sa state of calamity ang buong lalawigan ng Albay dahil sa matinding epekto ng El Niño.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO) chief Dr. Cedric Daep, napagpasyahan ng mga lokal na opisyal sa Albay ang pagsasailalim sa lalawigan sa state of calamity sa isinagawang Sangguniang Panlalawigan session.
Paliwanag ng opisyal, umabot na sa milyun-milyong halaga ang pinsala ng matinding init ng panahon sa mga pananim ng libo-libong magsasaka sa Albay.
Dagdag pa ni Daep na nagsasagawa na rin ng hakbang ang Department of Agriculture (DA) Bicol para sa recovery ng mga naapektuhan ng tagtuyot gayundin ang intervention sa project development sa water system.
Una nang inihayag ng DA na pumalo na sa P872-million ang pinsala sa sektor ng agrikultura sa buong lalawigan dahil sa nararansang dry spell.