LEGAZPI CITY – Mahigpit ang naging babala ng isang alkalde mula sa Albay sa mga nasasakupang residente na magmamatigas na lumikas mula sa mga risk areas.
Ayon kay Tiwi Mayor Jaime Villanueva sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, hanggang alas-12:00 lamang ng tanghali ang inilalaang oras para sa mga ito.
Sakali aniyang mag-umpisa nang maramdaman ang epekto ng bagyong Tisoy sa Albay, hindi na babalikan ang naturang mga residente.
Kahapon pa nag-umpisa ang paglikas ng mga residente mula sa walong barangay na nasa landslide-prone areas kabilang ang Sogod, Bariis, Joroan, Dapdap, Misibis, Mayong, at Maynonong kung saan nauna ang mga matatanda, bata, PWDs at kababaihan.
Inaasahang aabot sa 5,000 pamilya ang kailangang ilikas mula sa bayan.
Sa kabilang dako, pinakababantayan ayon kay Dr. Cedric Daep ng Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO) ang daloy ng lahar mula sa bulkang Mayon dahil sa inaasahang malakas na mga ulan.
Ayon kay Daep, posibleng maidausdos ang mga naipong volcanic desposits o destructive lahar sa nakalipas na pag-aalburoto ng bulkan sa 60mm per hour na rain threshold.
Tuloy-tuloy pa hanggang sa ngayon ang paglikas ng mula sa Mayon unit area o mga barangay na ng walong bayan ng Albay.
Samantala, kapansin-pansin na rin ang panic buying ng ilang mga residente sa malalaking malls at tindahan sa Legazpi City habang ilan sa mga ito ang maagang nagsara.