LEGAZPI CITY – Naka-full alert status na ang mga tauhan ng Albay Police Provincial Office ilang araw bago ang pag-obserba sa Todos Los Santos at Undas.
Nasa 1, 400 na kapulisan ang ididi-deploy sa lalawigan upang magbantay sa peace and order at seguridad ng mga bibisita sa mga namaalam nang mahal sa buhay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PCol. Wilson Asueta, provincial director ng Albay PNP, maglalatag ang pulisya ng motorist assistance centers at desks sa pag-accomodate ng mga tanong ng mga biyahero, sa may kalsada man o sa mismong sementeryo.
Asahan na umano ang police visibility maging sa checkpoints lalo na’t vehicular accidents ang karaniwang problema sa naturang panahon.
Mahigpit naman ang paalala ni Asueta sa pagbabawal ng pagdala ng mga patalim at nakakalasing na inumin sa loob ng sementeryo na posibleng mangahulugan ng kaukulang kaparusahan.
Kung aalis naman ng bahay, tiyaking nakasara ang mga bahay upang hindi mabiktima ng mga magnanakaw o maari namang magpaiwan ang isa o makisuyo sa kapitbahay na mabantayan ang lugar.
Dagdag pa ni Asueta na mas hihigpitan ang pagpapatupad ng mga ordinansa kaugnay ng mahalagang okasyon.