LEGAZPI CITY – Kinumpirma ng isa sa mga organizers ng Miss Earth 2019 ang pagdagdag ng iba pang pre-pageant activities na gaganapin sa Albay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Imperial Production President Evangeline Imperial, isasagawa sa Oktubre 5 ang Resort’s Wear sa Albay Astrodome maging ang press conference at sa Oktubre 6 naman ay sabay-sabay na mga aktibidad para sa 30 kandidata na mula sa iba’t ibang bansa.
Ayon kay Imperial, papasyalan ng mga delegates ang La Hacienda Resort sa Guinobatan kung saan magkakaroon ng experience ang mga ito sa paggawa ng local delicacies.
Maliban dito, magtatanin rin ang mga kandidata ng cacao, magha-harvest at gagawa ng tablea.
Sa Brgy. Puro naman sa lungsod ng Legazpi ang mangrove tree-planting habang may mayroon namang gabi planting at harvesting sa Brgy. Salugan sa Camalig.
Hindi naman papalagpasin ng mga ito ang paggawa ng pinangat para sa demo cooking.
Samantala, futuristic ang magiging theme ng okasyon kung saan avant-guard ang disenyo ng mga gagawing Filipiniana.