LEGAZPI CITY – Nakatutok na ngayon ang Albay Provincial Veterinary Office sa mga baboyan sa lungsod ng Ligao matapos ang naitalang kaso ng African Swine Fever.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Dr. Pancho Mella ang head ng Albay Provincial Veterinary Office, isang baboy sa slaughter house ng lungsod ang nagpositibo sa African Swine Fever sa isinagawang testing ng kanilang team.
Dahil dito, pansamantala munang ipinasara ang slaughter house sa loob ng limang araw para sa paglilinis ng pasilidad.
Ayon kay Mella, agad na kumuha ng samples ang kanilang team sa mga baboy mula sa Barangay Santa Cruz na lugar kung saan nagmula ang nagpositibong baboy.
Sa ngayon hinihintay na lamang ang resulta ng test sa nasa 60 mga samples upang malaman kung kumalat na ang sakit sa iba pang mga barangay.
Samantala sa kabila ng naitalang kaso ng African Swine Fever hindi pa naman magpapatupad ng mass culling ang Provincial Veterinary Office dahil kailangan muna na magkaroon rin ng kaso sa mga katabing barangay bago kailanganing magpatupad ng depopulation sa mga baboy.