LEGAZPI CITY – Pinaigting pa ang mga polisiya na ipinapatupad sa Albay Provincial Jail matapos na marekober ang malaking halaga ng pinaniniwalaang shabu sa isinagawang Oplan Galugad sa pasilidad.
Nabatid na umabot sa 44 sachet ang nakuha mula kay Marlon Fernandez o may market value na P162, 000.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Provincial Warden Cham Zuñiga, una nang inilatag ang mga guidelines at panibagong polisiya sa mga nakaraang buwan.
Pinabulaanan naman nito ang mga suspetsa na posibleng may kasabwat na jailguards ang nagtatransaksyon lalo na’t ‘one strike policy’ umano ang ginagawa sa mga sangkot sa iligal na transaksyon.
Tinanggal na rin aniya ang mga guwardiya na nasa likod ng pagpapalusot ng mga sigarilyo, alak at iba pang kontrabando sa pasilidad maging ang mga may karelasyon na inmates.
Dumadaan rin sa masusing inspeksyon ang lahat ng pumapasok sa pasilidad kaya’t una nang nakuha ang mga iligal na droga na tinangkang ilusot sa pag-ipit sa maselang parte ng katawan, tsinelas, mamon at sa yelo.
Nakikipag-ugnayan na rin sa kalapit na Albay Park and Wildlife at Department of Education (DepEd) Albay na sinasabing origin ng mga itinatapong kontrabando papasok sa jail facility.