LEGAZPI CITY – Sinuspinde ang pasok sa lahat ng antas sa buong lalawigan ng Albay ngayong araw kasunod ng nararanasang malakas na pag-ulan mula pa kahapon.
Sa ibinabang advisory ng Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO), inaasahan ang katamtaman hanggang sa minsang malalakas na pag-ulan sa rehiyong Bicol dulot ng bagyong Ineng.
Sakop ng naturang class suspension ang pampubliko at pribadong eskwelahan sa lalawigan.
Samantala, pinag-iingat din sa paglalayag ang mga maliliit na sasakyang-pandagat dahil sa nakababalang gale warning sa eastern seaboard ng Southern Luzon, Visayas at Mindanao kabilang na ang Camarines Provinces, Catanduanes, Eastern Coast ng Albay at Eastern Coast ng Sorsogon sa Bicol.
Inaasahan ang masungit na lagay ng karagatan kung saan maaring umabot sa 2.8 hanggang 4.5 meters ang taas ng alon.