-- Advertisements --

Nanawagan si Sen. Richard Gordon na dapat umanong sumailalim sa isang lifestyle check si PNP chief Gen. Oscar Albayalde at 13 iba pang pulis na dawit sa kuwestiyunableng anti-illegal drugs operation sa Pampanga noong 2013.

Ayon kay Gordon, dapat umanong silipin kung nakinabang nga sina Albayalde at ang nasabing mga pulis sa operasyon noong Nobyembre 2013 kontra sa isang umano’y Chinese drug lord.

“Ito ang hinihingi ko, lifestyle check ng lahat ng nag-raid,” wika ni Gordon sa isang panayam.

Inaakusahan ang hepe ng pulisya at dati nitong mga tauhan na nakakuha umano ng magarang sports utility vehicles (SUVs) kasunod ng naturang operasyon laban kay Johnson Lee kung saan sinasabing nasabat ng mga otoridad ang nasa 200-kgs ng shabu, ngunit 36-kgs lamang ang idineklara sa ebidensya.

Maliban sa SUVs, binayaran din umano ni Lee ang mga pulis ng P50-milyon upang pagmukhaing nakatakas ang Tsino.

Sinabi pa ng senador na hindi umano dapat iabswelto si Albayalde sa gagawing audit.

“Makikita mo ‘yong mga kotse; ‘yong mga kamag-anak may kotse ba? Paano nakuha ‘yong mga kotse? Saka mga pera. Dapat mag-ingat din sila dahil iimbestigahin sila nang ganyan,” ani Gordon.

Inihayag na rin ni dating PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief at ngayo’y Baguio City mayor Benjamin Magalong na nakatanggap daw si Albayalde ng bagong SUV matapos ang 2013 operation.

Mariin naman itong itinanggi ni Albayalde kung saan iginiit nito na may motibo raw si Magalong kaya niya raw inungkat ang isyu sa Senado.