-- Advertisements --

Pinayuhan ngayon ni Senate blue ribbon committee chairman Sen. Richard Gordon si Philippine National Police (PNP) Gen. Oscar Albayalde na ikonsidera na ang pagbibitiw sa pwesto.

Ayon kay Gordon, kung mabibigo si Albayalde na tuluyang masagot ang mga isyung lumutang sa Senate inquiry, mas mainam na bitawan na lang nito ang tungkulin.

Giit ng senador, nababalot ngayon ng sari-saring isyu ang PNP at karamihan sa mga ito ay seryosong usapin.

Kabilang na aniya ang “ninja cops” o mga pulis na nagre-recycle ng droga, pagkakatakas ng tinaguriang “drug queen” na si Guia Gomez Castro at marami pang iba.

Para sa senador, nakakapanlumo ang mga nadidiskubreng isyu ng kaniyang pinamumunuang komite sa ilang tauhan at opisyal ng pulisya.

“What the h*ll is happening with our police force? The stories I’m hearing now are very discouraging!,” wika ni Gordon.

Sa panig ni Albayalde, iginiit nitong malinis ang kaniyang pagganap ng tungkulin at may ilan lang talagang nais siyang sirain bago matapos ang panunungkulan sa PNP.

Samantala, nanghihinayang naman ang mambabatas sa pagkakataong ibinigay kay PDEA Dir. Gen. Aaron Aquino dahil hindi raw ito naging all out sa pagbibigay ng testmonya sa hearing.

Natuklasan pang natengga sa tanggapan ni Aquino ang kaso ng ilang pulis sa Pampanga na iniuugnay sa ilang kontrobersyal na isyu.