Inamin ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na sinubukan pa niyang pigilan si dating PNP chief Gen. Oscar Albayalde sa desisyon nitong bumitiw sa kaniyang puwesto.
Ito ang pag-amin ng kalihim matapos ianunsyo ni Albayalde ang kaniyang non-duty status bago ang nakatakda niyang pagreretiro sa Nobyembre 8.
Sinabi ni Año na nagkausap sila ng Pangulo noong isang linggo at sinabing tiwala pa rin ito kay Albayalde kaya’t minabuti niyang paagahin ang change of command sa PNP bago siya tumulak patungong Bangkok, Thailand para sa ASEAN Summit.
Dagdag pa ng kalihim, sinabi ng Pangulo sa kaniya na wala naman itong masabi kay Albayalde bilang PNP chief.
Kung anuman aniya ang nangyari noong 2013 ay hindi sa ilalim ng kaniyang administrasyon ito.
Ginawa ni Año ang pahayag upang mapawi na ang mga pagdududa ng publiko na pinuwersang pagbitiwin si Albayalde sa puwesto matapos makaladkad ang pangalan nito dahil sa isyu ng recycling of illegal drugs ng mga dating tauhan nito sa Pampanga noong taong 2013.
Pero lumutang naman ang balita na nagsabi si Sen. Bong Go na mismong ang Pangulong Rodrigo Duterte ang naghikayat kay Albayalde na mag-terminal leave na lamang.
Iginiit naman ni PNP spokesperson Brig. Gen Bernard Banac na wala aniyang katotohanan na ang pagbibitiw ni Albayalde ay dahil sa pressure ng mga retired general mula sa Philippine Military Academy.
Ayon pa kay Banac, wala umano siyang ideya sa sinasabing kumakalat na text at online messages laban kay Albayalde.
Dapat ay mabigyan din ng pagkakataon si Albayalde na malinis ang kaniyang pangalan at huwag muna itong husgahan kaagad habang wala pang konkretong ebidensya na nailalantad laban sa kaniya.