Muling naghamon si PNP chief Gen. Oscar Albayalde sa Senado na isapubliko ang napag-usapan sa isinagawang executive session na hiniling ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong.
Batay sa ulat, sa nasabing pulong may inirekomenda umano si Magalong para sino ang susunod na PNP chief.
Ayon kay Albayalde dapat isapubliko ito nang sa gayon mabatid ng publiko ang punot dulo sa isyung ninja cops at agaw-bato scheme kung saan idinadawit ang kaniyang pangalan.
Aminado si Albayalde na dahil sa isyu ay pahirapan para sa kanya ang mag-indorso ngayon nang papalit sa kanyang pwesto bilang PNP chief.
Sa darating na November 8 o isang buwan mula ngayon magreretiro na siya sa serbisyo.
Una nang sinabi ni Albayalde na baka maging “kiss of death” ang kanyang rekomendasyon dahil sa halip na mapaganda ay mas malamang na masira pa ang pangalan nito.
Paliwanag niya, ang kanyang nalalabing 30 araw ay “critical time” para sa selection process.
Dahil dalawang linggo bago magretiro ay nanghihingi na ng pangalan ang Pangulo para sa susunod na chief PNP.
Kabilang sa mga pangalan na lumulutang para maging susunod na PNP chief ay ang dalawang classmates ni Albayalde sa PMA Sinagtala Class of 1986 na sina PNP deputy chief for operations Lt. Gen. Archie Gamboa at PNP chief directorial staff Lt. Gen. Camilo Cascolan.
Kasama rin ang pangalan ni NCRPO chief Maj. Gen. Guillermo Eleazar na nagmula sa PMA Class of 1987, FEO director Brig. Gen. Val Deleon na miyembro ng PMA Class 1989 at MPD director Brig. Gen. Vicente Danao ng PMA Class of 1991.