Aminado si PNP chief Dir. Gen. Oscar Albayalde na kahit pinalakas at pinaigting ang seguridad na ipinapatupad ng pulisya at militar sa Mindanao, may pagkakataon daw na nalulusutan sila ng mga masasamang loob dahil sa pagpupursige ng mga grupo na gumawa ng karahasan.
Sinabi ng PNP chief, dahil dito kinakailangan nilang paigtingin pa ang kanilang ginagawang mga hakbang tulad ng Oplan Sita, mga checkpoints at lalo na ang pagpapalakas ng kanilang intelligence gathering.
Kung maalala ang buong rehiyon ng Mindanao ay nasa ilalim din ng martial law na magtatapos sa katapusan ng buwan ng taong kasalukuyan.
Ipinag-utos na rin Albayalde sa lahat ng mga regional police directors sa buong Mindanao na itaas ang alert level sa full alert sa kanilang mga areas of responsibilities.
Ito ay kasunod sa nangyaring pagsabog sa Isulan, Sultan Kudarat na ikinasawi ng dalawang indibidwal habang 35 ang sugatan.
Dahil nasa full alert ang PNP sa Mindanao, kanselado ang lahat ng leave ng mga pulis at kailangan naka-duty ang mga ito.
Ayon kay Albayalde, sa ngayon patuloy pa ang ginagawang imbestigasyon para matukoy kung sino ang nasa likod ng pagsabog, kahit pa inako ng international terrorists na ISIS ang responsable.
Sinabi ni Albayalde na kanila pang tinitingnan ang motibo sa naturang insidente kung ito ba ay maituturing na terrorist attack
Ayaw namang patulan ni PNP chief ang pag-ako ng ISIS.
Hinala ni Albayalde na posibleng isa sa mga binabantayan nilang threat groups ang nasa likod ng pagsabog.
Samantala, ang lokal na pamahalaan sa Sultan Kudarat ay nagtakda na rin ng inisyal na P1 milyon na reward money sa makakapagturo sa mga suspeks.
Ang Malacanang naman ay mariing kinondena ang nangyaring karahasan na twin bombing na itinaon pa na merong kapiyestahan sa lugar.
Posible ring magtungo sa lugar ang Pangulong Rodrigo Duterte at bisitahin ang mga biktima.