Binigyang-diin ni dating Police General Oscar Albayalde na walang nangyaring reward system sa ilalim ng kampanya kontra iligal na droga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Albayalde, wala siyang alam na kalakaran kung saan binabayaran ang mga pulis na nakakapatay ng mga drug personalities.
Giit ni Albayalde, hindi niya alam kung saan nakuha ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office General manager Royina Garma ang kaniyang testimonya ukol dito.
Inihalimbawa rin ng heneral ang aniya’y mistulang hindi tiyak na paliwanag ni Garma lalo at inaamin din niyang naririnig lamang niya ang marami sa mga ito.
Ayon kay Albayalde, malabong may mangyaring reward system noong panahon na siya ay PNP chief dahil sa walang pondong nakalaan sa ilalim nito, maliban sa operation fund na lehitimong ginagamit sa mga operasyon ng pulisya.
Ayon pa kay Albayalde, wala din siyang alam na may ibang source o pinanggagalingan ng pondo para sa reward system.
Kahit noong panahon na siya ang namumuno sa PNP, wala aniyang naipaabot sa kaniya na may third party o ibang pinanggagalingan ng pondo para rito.
Gayunpaman, sinabi ni Albayalde na maaaring may nabuong grupo sina Garma nang hindi nalalaman ng liderato ng PNP at sila-sila lamang ang nakaka-alam sa kanilang operasyon, kasama na ang reward system.