Itinanggi ng Philippine National Police (PNP) na kanilang kabaro ang ama ng batang sangkot sa bullying sa Ateneo.
Ito ang paglilinaw ni PNP chief PDGen. Oscar Albayalde kasunod sa mga kumakalat na balita sa social media.
” May kinakalat sila na ang ama ay pulis, hindi po totoo yan. Hindi po totoo na ang father ng bully na yon ay pulis. Well I hope someday that person that bully makakatugma din yan makakatapat din yan yung mga bully na ganyan,” pahayag ni Albayalde.
Ayon naman kay PNP Spokesperson CSupt. Benigno Durana Jr., batay sa isinagawang beripikasyon ng Directorate for Personnel Records and Management (DPRM) na wala silang miyembro ng PNP na Joaquin Montes Sr. na ama ng batang bully.
Ito ay taliwas sa naunang pahayag ni dating DILG Sec. Rafael Alunan na anak umano ng isang police scalawag ang estudyanteng si Joaquin Montes Jr.
Si Montes Jr ang junior high school student ng Ateneo de Manila University na nagviral sa social media kamakailan dahil sa pambubully at pambubugbog sa kapwa niya estudyante na ngayon ay na dismiss na sa nasabing eskwelahan.
Binigyang diin ni Durana na batay sa nakuha nilang inisyal na impormasyon mula sa ADMU, kabilang sa hanay ng Medical Professionals ang ama ni Montes Jr
Subalit hindi na tinukoy sa impormasyon kung ito ba’y isang Doktor, Nurse o isang kawani lang ng Ospital.
Ibinunyag din ni PNP chief na ang estudyanteng bully na si Joaquin Montes, na may 75 social media accounts na naka register sa kaniyang pangalan.
” Napakarami niyang accounts kung hindi ako magkamali nasa 75 ang accounts niya sa social media,” pagbubunyag ni Albayalde.